Zechariah - Chapter 5 Ch. 5 - Zechariah

compare translations

[1]  Nang magkagayo'y itinanaw ko uli ang aking mga mata, at aking nakita, at, narito, isang lumilipad na balumbon.

[2]  At sinabi niya sa akin, Ano ang iyong nakikita? At ako'y sumagot, Aking nakikita'y isang lumilipad na balumbon; ang haba niyaon ay dalawang pung siko, at ang luwang niyaon ay sangpung siko.

[3]  Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ito ang sumpa na lumalabas sa ibabaw ng buong lupain: sapagka't ang bawa't nagnanakaw ay mahihiwalay sa isang dako ayon doon; at bawa't manunumpa ay mahihiwalay sa kabilang dako ayon doon.

[4]  Aking ilalabas yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at papasok sa bahay ng magnanakaw, at sa bahay niyaong nanunumpa ng kasinungalingan sa pangalan ko; at tatahan sa gitna ng bahay niya, at pupugnawin sangpu ng mga kahoy niyaon at mga bato niyaon.

[5]  Nang magkagayo'y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay lumabas, at nagsabi sa akin, itanaw mo ngayon ang iyong mga mata, at tingnan mo kung ano ito na lumalabas.

[6]  At aking sinabi, Ano yaon? At kaniyang sinabi, Ito ang efa na lumalabas. Sinabi niya bukod dito, Ito ang kawangis nila sa buong lupain.

[7]  (At, narito, itinaas ang isang talentong tingga); at ito'y isang babae na nauupo sa gitna ng efa.

[8]  At kaniyang sinabi, Ito ang kasamaan; at kaniyang inihagis sa loob ng gitna ng efa: at kaniyang inihagis ang panimbang na tingga sa bunganga niyaon.

[9]  Nang magkagayo'y itinanaw ko ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, lumabas ang dalawang babae, at may dalang hangin sa kanilang mga pakpak; sila nga'y may mga pakpak na gaya ng mga pakpak ng tagak: at kanilang itinaas ang efa sa pagitan ng lupa at ng langit.

[10]  Nang magkagayo'y sinabi ko sa anghel na nakikipagusap sa akin, Saan dinadala ng mga ito ang efa?

[11]  At sinabi niya sa akin, Upang ipagtayo siya ng bahay sa lupain ng Shinar: at pagka nahanda na, siya'y malalagay roon sa kaniyang sariling dako.