Psalms - Chapter 79 Ch. 79 - Psalms

compare translations

[1]  Oh Dios, ang mga bansa ay dumating sa iyong mana; ang iyong banal na templo ay kanilang nilapastangan; kanilang pinapaging bunton ang Jerusalem.

[2]  Ang mga bangkay ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila na pagkain sa mga ibon sa himpapawid, ang laman ng iyong mga banal ay sa mga hayop sa lupa.

[3]  Ang kanilang dugo ay ibinubo nila na parang tubig sa palibot ng Jerusalem; at walang naglibing sa kanila.

[4]  Kami ay naging kadustaan sa aming kalapit, kasabihan at kakutyaan nilang nangasa palibot namin.

[5]  Hanggang kailan, Oh Panginoon, magagalit ka magpakailan man? Magaalab ba ang iyong paninibugho na parang apoy?

[6]  Ibugso mo ang iyong pagiinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan.

[7]  Sapagka't kanilang nilamon ang Jacob, at inilagay na sira ang kaniyang tahanan.

[8]  Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga magulang: magmadali ang iyong mga malumanay na kaawaan na tulungan kami: sapagka't kami ay totoong hinamak.

[9]  Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng iyong pangalan: at iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming mga kasalanan, dahil sa iyong pangalan.

[10]  Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ang kanilang Dios? Ang kagantihan sa dugo na nabubo sa iyong mga lingkod maalaman nawa ng mga bansa sa aming paningin.

[11]  Dumating nawa sa harap mo ang buntong-hininga ng bihag; ayon sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay palagiin mo yaong nangatakda sa kamatayan:

[12]  At ibalik mo sa aming mga kalapit-bansa sa makapito sa kanilang sinapupunan, ang kanilang pagduwahagi na kanilang idinuwahagi sa iyo, Oh Panginoon.

[13]  Sa gayo'y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.