Psalms - Chapter 76 Ch. 76 - Psalms

compare translations

[1]  Sa Juda ay kilala ang Dios: ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel.

[2]  Nasa Salem naman ang kaniyang tabernakulo, at ang kaniyang dakong tahanan ay sa Sion.

[3]  Doo'y binali niya ang mga pana ng busog; at kalasag, at ang tabak, at ang pagbabaka. (Selah)

[4]  Maluwalhati ka at marilag, mula sa mga bundok na hulihan.

[5]  Ang mga puso na matapang ay nasamsaman, sila'y nangatulog ng kanilang pagtulog; at wala sa mga lalaking makapangyarihan na nakasumpong ng kanilang mga kamay.

[6]  Sa iyong saway Oh Dios ni Jacob, ang karo at gayon din ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

[7]  Ikaw, ikaw ay katatakutan: at sinong makatatayo sa iyong paningin, sa minsang ikaw ay magalit?

[8]  Iyong ipinarinig ang hatol mula sa langit; ang lupa ay natakot, at tumahimik,

[9]  Nang ang Dios ay bumangon sa paghatol, upang iligtas ang lahat ng maamo sa lupa. (Selah)

[10]  Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao: ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.

[11]  Manata ka at tuparin mo sa Panginoon mong Dios: magdala ng mga kaloob sa kaniya na marapat katakutan, yaong lahat na nangasa buong palibot niya.

[12]  Kaniyang ihihiwalay ang diwa ng mga pangulo: siya'y kakilakilabot sa mga hari sa lupa.