Psalms - Chapter 59 Ch. 59 - Psalms

compare translations

[1]  Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, Oh Dios ko: ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.

[2]  Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan, at iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.

[3]  Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa; ang mga makapangyarihan ay nagpipisan laban sa akin: hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.

[4]  Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala: ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.

[5]  Sa makatuwid baga'y ikaw, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel, ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa: huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. (Selah)

[6]  Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, sila'y nagsitahol na parang aso, at nililigid ang bayan.

[7]  Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig; mga tabak ay nangasa kanilang mga labi: sapagka't sino, sabi nila, ang nakikinig?

[8]  Nguni't ikaw, Oh Panginoon, tatawa sa kanila; iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.

[9]  Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita; sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.

[10]  Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin: ipakikita ng Dios sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.

[11]  Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan; pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila, Oh Panginoon na kalasag namin.

[12]  Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan, at dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.

[13]  Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala: at ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob, hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)

[14]  At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso, at libutin nila ang bayan.

[15]  Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain, at maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.

[16]  Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan; Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan: sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog, at kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.

[17]  Sa iyo, Oh kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri: sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.