[1] Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios; at huwag kang magkubli sa aking pananaing.
[2] Pakinggan mo ako, at iyong sagutin ako: ako'y walang katiwasayan sa aking pagdaramdam, at ako'y dumadaing;
[3] Dahil sa tinig ng kaaway, dahil sa pagpighati ng masama; sapagka't sila'y naghagis ng kasamaan sa akin, at sa galit ay inuusig nila ako.
[4] Ang aking puso ay nagdaramdam na mainam sa loob ko: at ang mga kakilabutan ng kamatayan ay nahulog sa akin.
[5] Katakutan at panginginig ay dumating sa akin, at tinakpan ako ng kakilabutan.
[6] At aking sinabi, Oh kung ako'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! Lilipad nga ako, at magpapahinga.
[7] Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo, ako'y titigil sa ilang. (Selah)
[8] Ako'y magmamadaling sisilong mula sa malakas na hangin at bagyo.
[9] Ipahamak mo, Oh Panginoon, at guluhin mo ang kanilang wika: sapagka't ako'y nakakita ng pangdadahas at pagaaway sa bayan.
[10] Araw at gabi ay nagsisiligid sila sa mga kuta niyaon: kasamaan man at kahirapan ay nangasa gitna rin niyaon.
[11] Kasamaan ay nasa gitna niyaon; ang pagpighati at pagdaraya ay hindi humihiwalay sa kaniyang mga lansangan.
[12] Sapagka't hindi kaaway ang dumuwahagi sa akin; akin nga sanang nabata: ni hindi rin ang nagtatanim sa akin ang nagmamalaki laban sa akin; nagtago nga sana ako sa kaniya:
[13] Kundi ikaw, lalake na kagaya ko, aking kasama at aking kaibigang matalik.
[14] Tayo ay maligayang nagpapayuhang magkasama, tayo'y lumalakad na magkaakbay sa bahay ng Dios.
[15] Dumating nawang bigla sa kanila ang kamatayan, mababa nawa silang buhay sa Sheol: sapagka't kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
[16] Tungkol sa akin, ay tatawag ako sa Dios; at ililigtas ako ng Panginoon.
[17] Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako'y dadaing at hihibik: at kaniyang didinggin ang aking tinig.
[18] Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa kapayapaan mula sa pagbabaka laban sa akin: Sapagka't sila'y marami na nakikipaglaban sa akin.
[19] Didinggin ng Dios, at paghihigantihan sila, siyang tumatahan ng una. (Selah)
[20] Kaniyang iniunat ang kaniyang mga kamay laban sa gayon na nasa kapayapaan sa kaniya: kaniyang nilapastangan ang kaniyang tipan.
[21] Ang kaniyang bibig ay malambot na parang mantekilya: nguni't ang kaniyang puso ay pakikidigma: ang kaniyang mga salita ay lalong mabanayad kay sa langis, gayon ma'y mga bunot na tabak.
[22] Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka: hindi niya titiising makilos kailan man ang matuwid.
[23] Nguni't ikaw, Oh Dios, ibababa mo sila sa hukay ng kapahamakan: mga mabagsik at magdarayang tao ay hindi darating sa kalahati ng kanilang mga kaarawan; nguni't titiwala ako sa iyo.