[1] Bakit ka naghahambog sa kasamaan, Oh makapangyarihang tao? Ang kagandahang-loob ng Dios ay palagi.
[2] Ang dila mo'y kumakatha ng totoong masama; gaya ng matalas na pangahit, na gumagawang may karayaan.
[3] Iniibig mo ang kasamaan ng higit kay sa kabutihan; at ang pagsisinungaling kay sa pagsasalita ng katuwiran. (Selah)
[4] Iniibig mo ang lahat na mananakmal na salita, Oh ikaw na magdarayang dila.
[5] Ilulugmok ka ring gayon ng Dios magpakailan man, itataas ka niya, at ilalabas ka sa iyong tolda, at bubunutin ka niya sa lupain ng may buhay. (Selah)
[6] Makikita naman ng matuwid, at matatakot, at tatawa sa kaniya, na magsasabi,
[7] Narito, ito ang tao na hindi ginawang kaniyang katibayan, ang Dios; kundi tumiwala sa kasaganaan ng kaniyang mga kayamanan, at nagpakalakas sa kaniyang kasamaan.
[8] Nguni't tungkol sa akin, ay gaya ako ng sariwang punong kahoy ng olibo sa bahay ng Dios: tumitiwala ako sa kagandahang-loob ng Dios magpakailan-kailan man.
[9] Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man, sapagka't iyong ginawa: at ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagka't mabuti, sa harapan ng iyong mga banal.