Psalms - Chapter 4 Ch. 4 - Psalms

compare translations

[1]  Sagutin mo ako, pagka tumatawag ako, Oh Dios ng aking katuwiran; inilagay mo ako sa kaluwagan, nang ako'y nasa kagipitan: maawa ka sa akin, at dinggin mo ang aking dalangin.

[2]  Oh kayong mga anak ng tao, hanggang kailan magiging kasiraang puri ang aking kaluwalhatian? Gaano katagal iibigin ninyo ang walang kabuluhan, at hahanap sa kabulaanan? (Selah)

[3]  Nguni't talastasin ninyo na ibinukod ng Panginoon sa ganang kaniyang sarili ang banal: didinggin ng Panginoon pagka ako'y tumawag sa kaniya.

[4]  Kayo'y magsipanginig, at huwag mangagkasala: mangagbulaybulay kayo ng inyong puso sa inyong higaan, at kayo'y magsitahimik.

[5]  Mangaghandog kayo ng mga hain ng katuwiran, at ilagak ninyo ang inyong tiwala sa Panginoon.

[6]  Marami ang mangagsasabi, sinong magpapakita sa amin ng mabuti? Panginoon, pasilangin mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin.

[7]  Ikaw ay naglagay ng kasayahan sa aking puso, ng higit kay sa kanilang tinatangkilik nang ang kanilang butil, at kanilang alak ay magsidami.

[8]  Payapa akong hihiga at gayon din matutulog: sapagka't ikaw, Panginoon, pinatatahan mo akong mag-isa sa katiwasayan.