Psalms - Chapter 33 Ch. 33 - Psalms

compare translations

[1]  Mangagalak kayo sa Panginoon, Oh kayong mga matuwid: pagpuri ay maganda sa ganang matuwid.

[2]  Kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon na may alpa: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya na may salterio na sangpung kuerdas.

[3]  Magsiawit kayo sa kaniya ng bagong awit; magsitugtog kayong matalino na may malaking ingay.

[4]  Sapagka't ang salita ng Panginoon ay matuwid; at lahat niyang gawa ay ginawa sa pagtatapat.

[5]  Iniibig niya ang katuwiran at kahatulan: ang lupa ay puno ng kagandahang-loob ng Panginoon.

[6]  Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit; at lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kaniyang bibig.

[7]  Kaniyang pinipisan ang tubig ng dagat na parang isang bunton: inilalagay niya ang mga kalaliman sa mga kalawakan.

[8]  Matakot nawa ang buong lupa sa Panginoon: magsitayo nawang may takot ang lahat ng taga sanglibutan sa kaniya.

[9]  Sapagka't siya'y nagsalita, at nangyari; siya'y nagutos, at tumayong matatag.

[10]  Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa: kaniyang niwawalang halaga ang mga pagiisip ng mga bayan.

[11]  Ang payo ng Panginoon ay nanganayong matibay magpakailan man, ang mga pagiisip ng kaniyang puso sa lahat ng sali't saling lahi.

[12]  Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon; ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana.

[13]  Ang Panginoon ay tumitingin mula sa langit; kaniyang minamasdan ang lahat na anak ng mga tao;

[14]  Mula sa dakong kaniyang tahanan ay tumitingin siya sa lahat na nangananahan sa lupa;

[15]  Siyang naghuhugis ng mga puso nilang lahat, na nagmamasid sa lahat nilang mga gawa.

[16]  Walang hari na nakaliligtas sa pamamagitan ng karamihan ng hukbo: ang makapangyarihang tao ay hindi naliligtas sa pamamagitan ng malaking kalakasan.

[17]  Ang kabayo ay walang kabuluhang bagay sa pagliligtas: ni hindi niya iniligtas ang sinoman sa pamamagitan ng kaniyang malaking kalakasan;

[18]  Narito, ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa kanila na nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob;

[19]  Upang iligtas ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at upang ingatan silang buhay sa kagutom.

[20]  Hinintay ng aming kaluluwa ang Panginoon: siya'y aming saklolo at aming kalasag.

[21]  Sapagka't ang aming puso ay magagalak sa kaniya, sapagka't kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan.

[22]  Sumaamin nawa ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ayon sa aming pagasa sa iyo.