Psalms - Chapter 27 Ch. 27 - Psalms

compare translations

[1]  Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?

[2]  Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan upang kanin ang aking laman, ang aking mga kaaway at aking mga kaalit, sila'y nangatisod at nangarapa.

[3]  Bagaman ang isang hukbo ay humantong laban sa akin, hindi matatakot ang aking puso: bagaman magbangon ang pagdidigma laban sa akin, gayon ma'y titiwala rin ako.

[4]  Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; na ako'y makatahan sa bahay ng Panginoon, lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ng Panginoon, at magusisa sa kaniyang templo.

[5]  Sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay iingatan niya ako na lihim sa kaniyang kulandong: sa kublihan ng kaniyang tabernakulo ay ikukubli niya ako; Kaniyang itataas ako sa ibabaw ng isang malaking bato.

[6]  At ngayo'y matataas ang aking ulo sa aking mga kaaway sa palibot ko; at ako'y maghahandog sa kaniyang tabernakulo ng mga hain ng kagalakan; ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri sa Panginoon.

[7]  Dinggin mo, Oh Panginoon, pagka ako'y sumisigaw ng aking tinig: maawa ka rin sa akin, at sagutin mo ako.

[8]  Nang iyong sabihin, hanapin ninyo ang aking mukha; ang aking puso ay nagsabi sa iyo, ang iyong mukha, Panginoon, ay hahanapin ko.

[9]  Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; huwag mong ihiwalay ang iyong lingkod ng dahil sa galit: ikaw ay naging aking saklolo; huwag mo akong itakuwil, o pabayaan man, Oh Dios ng aking kaligtasan.

[10]  Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayon ma'y dadamputin ako ng Panginoon.

[11]  Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon: at patnubayan mo ako sa patag na landas, dahil sa aking mga kaaway.

[12]  Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway: sapagka't mga sinungaling na saksi ay nagsibangon laban sa akin, at ang nagsisihinga ng kabagsikan.

[13]  Ako sana'y nanglupaypay kundi ko pinaniwalaang makita ang kabutihan ng Panginoon. Sa lupain ng may buhay.

[14]  Magantay ka sa Panginoon: ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso; Oo, umasa ka sa Panginoon.