[1] Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[2] Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng mga dios: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[3] Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[4] Sa kaniya na gumagawang magisa ng mga dakilang kababalaghan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[5] Sa kaniya na gumawa ng mga langit sa pamamagitan ng unawa: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[6] Sa kaniya na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[7] Sa kaniya na gumawa ng mga dakilang tanglaw; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[8] Ng araw upang magpuno sa araw: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[9] Ng buwan at mga bituin upang magpuno sa gabi: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[10] Sa kaniya na sumakit sa Egipto sa kanilang mga panganay: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[11] At kinuha ang Israel sa kanila: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[12] Sa pamamagitan ng malakas na kamay, at ng unat na bisig: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[13] Sa kaniya na humawi ng Dagat na Mapula: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[14] At nagparaan sa Israel sa gitna niyaon: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[15] Nguni't tinabunan si Faraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Mapula: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[16] Sa kaniya na pumatnubay ng kaniyang bayan sa ilang: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[17] Sa kaniya na sumakit sa mga dakilang hari: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[18] At pumatay sa mga bantog na hari: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[19] Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[20] At kay Og na hari sa Basan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[21] At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana. Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[22] Sa makatuwid baga'y pinakamana sa Israel na kaniyang lingkod: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[23] Na siyang umalaala sa atin sa ating mababang kalagayan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[24] At iniligtas tayo sa ating mga kaaway: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:
[25] Siya'y nagbibigay ng pagkain sa lahat ng kinapal: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[26] Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng langit: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.