[1] Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin, sabihin ng Israel ngayon,
[2] Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin, nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin:
[3] Nilamon nga nila sana tayong buhay, nang ang kanilang poot ay mangagalab laban sa atin:
[4] Tinabunan nga sana tayo ng tubig, dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng agos:
[5] Dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng mga palalong tubig.
[6] Purihin ang Panginoon, na hindi tayo ibinigay na pinaka huli sa kanilang mga ngipin.
[7] Ang kaluluwa natin ay nakatanan na parang ibon sa silo ng mga manghuhuli: ang silo ay nasira, at tayo ay nakatanan.
[8] Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon, na siyang gumawa ng langit at lupa.