Psalms - Chapter 119 Ch. 119 - Psalms

compare translations

[1]  Mapalad silang sakdal sa lakad, na nagsisilakad sa kautusan ng Panginoon.

[2]  Mapalad silang nangagiingat ng kaniyang mga patotoo, na nagsisihanap sa kaniya ng buong puso.

[3]  Oo, silang hindi nagsisigawa ng kalikuan; sila'y nagsisilakad sa kaniyang mga daan.

[4]  Iyong iniutos sa amin ang mga tuntunin mo, upang aming sunding masikap.

[5]  Oh matatag nawa ang aking mga daan, upang sundin ang mga palatuntunan mo!

[6]  Hindi nga ako mapapahiya, pagka ako'y nagkaroon ng galang sa inyong lahat na mga utos.

[7]  Ako'y magpapasalamat sa iyo sa pamamagitan ng katuwiran ng puso, pagka aking natutuhan ang mga matuwid mong kahatulan.

[8]  Aking tutuparin ang mga palatuntunan mo: Oh huwag mo akong pabayaang lubos.

[9]  Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan? Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita.

[10]  Hinanap kita ng aking buong puso: Oh huwag nawa akong malihis sa iyong mga utos.

[11]  Ang salita mo'y aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo.

[12]  Mapalad ka, Oh Panginoon: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.

[13]  Aking ipinahayag ng aking mga labi ang lahat ng mga kahatulan ng iyong bibig.

[14]  Ako'y nagalak sa daan ng iyong mga patotoo, na gaya ng lahat na kayamanan.

[15]  Ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin, at gagalang sa iyong mga daan.

[16]  Ako'y magaaliw sa iyong mga palatuntunan: hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

[17]  Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang ako'y mabuhay; sa gayo'y aking susundin ang iyong salita.

[18]  Idilat mo ang aking mga mata, upang ako'y makakita ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan.

[19]  Ako'y nakikipamayan sa lupa: huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.

[20]  Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon.

[21]  Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa, na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.

[22]  Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan; sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo.

[23]  Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin; nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan.

[24]  Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran at aking mga tagapayo.

[25]  Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.

[26]  Aking ipinahayag ang mga lakad ko, at ikaw ay sumagot sa akin: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.

[27]  Ipaunawa mo sa akin ang daan ng iyong mga tuntunin: sa gayo'y aking bubulayin ang iyong kagilagilalas na mga gawa.

[28]  Ang kaluluwa ko'y natutunaw sa kabigatan ng loob: iyong palakasin ako ayon sa iyong salita.

[29]  Ilayo mo sa akin ang daan ng kasinungalingan: at ipagkaloob mo sa aking may pagbibiyaya ang iyong kautusan.

[30]  Aking pinili ang daan ng pagtatapat: ang mga kahatulan mo'y inilagay ko sa harap ko.

[31]  Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo: Oh Panginoon, huwag mo akong ilagay sa kahihiyan.

[32]  Aking tatakbuhan ang daan ng iyong mga utos, pagka iyong pinalaki ang aking puso.

[33]  Ituro mo sa akin, Oh Panginoon, ang daan ng iyong mga palatuntunan; at aking iingatan hanggang sa wakas.

[34]  Bigyan mo ako ng pagkaunawa at aking iingatan ang iyong kautusan; Oo, aking susundin ng aking buong puso.

[35]  Payaunin mo ako sa landas ng iyong mga utos; sapagka't siya kong kinaaliwan.

[36]  Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo, at huwag sa kasakiman.

[37]  Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin ng walang kabuluhan. At buhayin mo ako sa iyong mga daan.

[38]  Papagtibayin mo ang iyong salita sa iyong lingkod, na ukol sa takot sa iyo.

[39]  Alisin mo ang aking kadustaan na aking kinatatakutan: sapagka't ang mga kahatulan mo'y mabuti.

[40]  Narito, ako'y nanabik sa iyong mga tuntunin; buhayin mo ako sa iyong katuwiran.

[41]  Padatingin mo rin sa akin ang iyong mga kagandahang-loob, Oh Panginoon, sa makatuwid baga'y ang iyong kaligtasan, ayon sa iyong salita.

[42]  Sa gayo'y magkakaroon ako ng kasagutan sa kaniya na dumuduwahagi sa akin; sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita.

[43]  At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan sa aking bibig; sapagka't ako'y umasa sa iyong mga kahatulan.

[44]  Gayon ko susundin ang iyong kautusan na palagi magpakailan-kailan pa man.

[45]  At lalakad ako sa kalayaan; sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin.

[46]  Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari, at hindi ako mapapahiya.

[47]  At ako'y maaaliw sa iyong mga utos, na aking iniibig.

[48]  Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig; at ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan.

[49]  Iyong alalahanin ang salita sa iyong lingkod, na doo'y iyong pinaasa ako.

[50]  Ito'y aking kaaliwan sa aking pagkapighati: sapagka't binuhay ako ng iyong salita.

[51]  Ang palalo ay dumuwahaging mainam sa akin: gayon ma'y hindi ako hihiwalay sa iyong kautusan.

[52]  Aking inalaala ang mga kahatulan mo ng una, Oh Panginoon, at ako'y nagaliw sa sarili.

[53]  Maalab na galit ang humawak sa akin, dahil sa masama na nagpabaya ng iyong kautusan.

[54]  Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit sa bahay ng aking pangingibang bayan.

[55]  Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon, at sinunod ko ang iyong kautusan.

[56]  Ito ang tinamo ko, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.

[57]  Ang Panginoon ay aking bahagi: aking sinabi na aking tutuparin ang iyong mga salita.

[58]  Aking hiniling ang iyong biyaya ng aking buong puso: magmahabagin ka sa akin ayon sa iyong salita.

[59]  Ako'y nagiisip sa aking mga lakad, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.

[60]  Ako'y nagmadali, at hindi ako nagmakupad, na sundin ang iyong mga utos.

[61]  Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; nguni't hindi ko nilimot ang iyong kautusan.

[62]  Sa hating gabi ay babangon ako upang magpasalamat sa iyo, dahil sa iyong mga matuwid na kahatulan.

[63]  Ako'y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo, at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.

[64]  Ang lupa, Oh Panginoon, ay puno ng iyong kagandahang-loob: ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.

[65]  Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.

[66]  Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.

[67]  Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.

[68]  Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.

[69]  Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.

[70]  Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.

[71]  Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.

[72]  Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.

[73]  Ginawa ako at inanyuan ako ng iyong mga kamay: bigyan mo ako ng unawa, upang matutuhan ko ang iyong mga utos.

[74]  Silang nangatatakot sa iyo ay makikita ako, at matutuwa; sapagka't ako'y umasa sa iyong salita;

[75]  Talastas ko, Oh Panginoon na ang mga kahatulan mo ay matuwid, at sa pagtatapat, iyo akong dinalamhati.

[76]  Isinasamo ko sa iyo na maging kaaliwan ko ang iyong kagandahang-loob, ayon sa iyong salita sa iyong lingkod.

[77]  Dumating nawa sa akin ang iyong malumanay na kaawaan upang ako'y mabuhay: sapagka't ang kautusan mo'y aking kaaliwan.

[78]  Mahiya ang palalo; sapagka't dinaig nila ako ng walang kadahilanan: nguni't ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin.

[79]  Bumalik nawa sa akin yaong nangatatakot sa iyo, at silang nangakakakilala ng iyong mga patotoo.

[80]  Maging sakdal nawa ang aking puso sa iyong mga palatuntunan; upang huwag akong mapahiya.

[81]  Pinanglulupaypayan ng aking kaluluwa ang iyong pagliligtas: nguni't umaasa ako sa iyong salita.

[82]  Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong salita, samantalang aking sinasabi, Kailan mo ako aaliwin?

[83]  Sapagka't ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak sa usok; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga palatuntunan.

[84]  Gaano karami ang mga kaarawan ng iyong lingkod? Kailan ka gagawa ng kahatulan sa kanila na nagsisiusig sa akin?

[85]  Inihukay ako ng palalo ng mga lungaw na hindi mga ayon sa iyong kautusan.

[86]  Lahat mong mga utos ay tapat. Kanilang inuusig ako na may kamalian; tulungan mo ako.

[87]  Kanilang tinunaw ako halos sa ibabaw ng lupa; nguni't hindi ko pinabayaan ang mga tuntunin mo.

[88]  Buhayin mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob; sa gayo'y aking iingatan ang patotoo ng iyong bibig.

[89]  Magpakailan man, Oh Panginoon, ang iyong salita ay natatag sa langit.

[90]  Ang iyong pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi: iyong itinatag ang lupa, at lumalagi.

[91]  Namamalagi sa araw na ito ayon sa iyong mga alituntunin; sapagka't lahat ng bagay ay mga lingkod mo.

[92]  Kundi ang kautusan mo'y naging aking kaaliwan, namatay nga sana ako sa aking kadalamhatian.

[93]  Hindi ko kalilimutan kailan man ang mga tuntunin mo; sapagka't sa pamamagitan ng mga yaon ay binuhay mo ako.

[94]  Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagka't aking hinanap ang mga tuntunin mo,

[95]  Inabatan ako ng masama upang ako'y patayin; nguni't aking gugunitain ang iyong mga patotoo.

[96]  Aking nakita ang wakas ng buong kasakdalan; nguni't ang utos mo'y totoong malawak.

[97]  Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.

[98]  Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos; sapagka't mga laging sumasa akin.

[99]  Ako'y may higit na unawa kay sa lahat ng tagapagturo sa akin; sapagka't ang iyong mga patotoo ay gunita ko.

[100]  Ako'y nakakaunawa na higit kay sa may katandaan, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.

[101]  Aking pinigil ang mga paa ko sa lahat ng masamang lakad, upang aking masunod ang salita mo.

[102]  Ako'y hindi lumihis sa iyong mga kahatulan; sapagka't iyong tinuruan ako.

[103]  Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!

[104]  Sa iyong mga tuntunin ay nagkakamit ako ng unawa: kaya't aking ipinagtatanim ang bawa't lakad na sinungaling.

[105]  Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas.

[106]  Ako'y sumumpa, at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang mga matuwid mong kahatulan.

[107]  Ako'y nagdadalamhating mainam: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.

[108]  Tanggapin mo, isinasamo ko sa iyo, ang mga kusang handog ng aking bibig, Oh Panginoon, at ituro mo sa akin ang mga kahatulan mo.

[109]  Ang kaluluwa ko'y laging nasa aking kamay; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.

[110]  Ipinaglagay ako ng silo ng masama; gayon ma'y hindi ako lumihis sa iyong mga tuntunin.

[111]  Ang mga patotoo mo'y inari kong pinakamana magpakailanman; sapagka't sila ang kagalakan ng aking puso.

[112]  Ikiniling ko ang puso ko na ganapin ang mga palatuntunan mo, magpakailan man, sa makatuwid baga'y hanggang sa wakas.

[113]  Ipinagtatanim ko sila na may salawahang pagiisip; nguni't ang iyong kautusan ay iniibig ko.

[114]  Ikaw ang kublihan kong dako at kalasag ko: ako'y umaasa sa iyong salita.

[115]  Magsihiwalay kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng kasamaan; upang aking maingatan ang mga utos ng aking Dios.

[116]  Alalayan mo ako ayon sa iyong salita, upang ako'y mabuhay; at huwag mo akong hiyain sa aking pagasa.

[117]  Alalayan mo ako, at ako'y maliligtas, at magkakaroon ako ng laging pitagan sa iyong mga palatuntunan.

[118]  Inilagay mo sa wala silang lahat na naliligaw sa iyong mga palatuntunan; sapagka't ang kanilang pagdaraya ay kasinungalingan.

[119]  Inaalis mo ang lahat ng masama sa lupa na gaya ng taing bakal; kaya't iniibig ko ang mga patotoo mo.

[120]  Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo; at ako'y takot sa iyong mga kahatulan.

[121]  Ako'y gumawa ng kahatulan at kaganapan: huwag mo akong iwan sa mga mangaapi sa akin.

[122]  Maging tagapatnugot ka ng iyong lingkod sa ikabubuti: huwag mong ipapighati ako sa palalo.

[123]  Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, at ang iyong matuwid na salita.

[124]  Gawan mo ang lingkod mo ng ayon sa iyong kagandahang-loob, at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.

[125]  Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng unawa; upang aking maalaman ang mga patotoo mo,

[126]  Kapanahunan sa Panginoon na gumawa; sapagka't kanilang niwalang kabuluhan ang kautusan mo.

[127]  Kaya't aking iniibig ang mga utos mo ng higit sa ginto, oo, higit sa dalisay na ginto.

[128]  Kaya't aking pinahahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay; at ipinagtatanim ko ang bawa't sinungaling na lakad.

[129]  Ang mga patotoo mo'y kagilagilalas; kayat sila'y iniingatan ng aking kaluluwa.

[130]  Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.

[131]  Aking binuka ng maluwang ang bibig ko, at ako'y nagbuntong-hininga; sapagka't aking pinanabikan ang mga utos mo.

[132]  Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng iyong kinauugaliang gawin sa nagsisiibig ng iyong pangalan.

[133]  Itatag mo ang mga hakbang ko sa iyong salita; at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang anomang kasamaan.

[134]  Tubusin mo ako sa pagpighati ng tao: sa gayo'y aking tutuparin ang mga tuntunin mo.

[135]  Pasilangin mo ang mukha mo sa iyong lingkod; at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.

[136]  Ang mga mata ko'y nagsisiagos ng mga ilog ng tubig; sapagka't hindi nila tinutupad ang kautusan mo.

[137]  Matuwid ka, Oh Panginoon, at matuwid ang mga kahatulan mo.

[138]  Iniutos mo ang mga patotoo mo sa katuwiran at totoong may pagtatapat.

[139]  Tinunaw ako ng aking sikap, sapagka't kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.

[140]  Ang salita mo'y totoong malinis; kaya't iniibig ito ng iyong lingkod.

[141]  Ako'y maliit at hinahamak: gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang mga tuntunin mo.

[142]  Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan.

[143]  Kabagabagan at kahirapan ay humawak sa akin: gayon ma'y ang mga utos mo'y aking kaaliwan.

[144]  Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailan man: bigyan mo ako ng unawa at mabubuhay ako.

[145]  Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon: iingatan ko ang iyong mga palatuntunan.

[146]  Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako, at aking tutuparin ang mga patotoo mo.

[147]  Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako: ako'y umasa sa iyong mga salita.

[148]  Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi, upang aking magunita ang salita mo.

[149]  Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan.

[150]  Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit; sila'y malayo sa iyong kautusan.

[151]  Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; at lahat mong utos ay katotohanan.

[152]  Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo, na iyong pinamalagi magpakailan man.

[153]  Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.

[154]  Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.

[155]  Kaligtasan ay malayo sa masama; sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo.

[156]  Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon: buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan.

[157]  Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko; gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo.

[158]  Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at ako'y namanglaw; sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo.

[159]  Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob.

[160]  Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan; at bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man.

[161]  Inusig ako ng mga pangulo ng walang kadahilanan; nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita.

[162]  Ako'y nagagalak sa iyong salita, na parang nakakasumpong ng malaking samsam.

[163]  Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig.

[164]  Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo, dahil sa iyong matutuwid na kahatulan.

[165]  Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod.

[166]  Ako'y umasa sa iyong pagliligtas, Oh Panginoon. At ginawa ko ang mga utos mo.

[167]  Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; at iniibig kong mainam,

[168]  Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo.

[169]  Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.

[170]  Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita.

[171]  Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.

[172]  Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.

[173]  Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin.

[174]  Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan.

[175]  Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.

[176]  Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.