Psalms - Chapter 115 Ch. 115 - Psalms

compare translations

[1]  Huwag sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay magbigay kang karangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan.

[2]  Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios?

[3]  Nguni't ang aming Dios ay nasa mga langit: kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.

[4]  Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao.

[5]  Sila'y may mga bibig, nguni't sila'y hindi nangagsasalita; mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;

[6]  Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;

[7]  Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan; mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad; ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.

[8]  Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.

[9]  Oh Israel, tumiwala ka sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.

[10]  Oh sangbahayan ni Aaron, magsitiwala kayo sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.

[11]  Kayong nangatatakot sa Panginoon, magsitiwala kayo sa Panginoon; siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.

[12]  Inalaala tayo ng Panginoon; kaniyang pagpapalain tayo: kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Israel, kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Aaron.

[13]  Kaniyang pagpapalain ang nangatatakot sa Panginoon, ang mababa at gayon ang mataas.

[14]  Palalaguin kayo ng Panginoon ng higit at higit, kayo at ang inyong mga anak.

[15]  Pinagpala kayo ng Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.

[16]  Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon; nguni't ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.

[17]  Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan;

[18]  Nguni't aming pupurihin ang Panginoon mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan. Purihin ninyo ang Panginoon.