Psalms - Chapter 106 Ch. 106 - Psalms

compare translations

[1]  Purihin ninyo ang Panginoon. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

[2]  Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan?

[3]  Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.

[4]  Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas:

[5]  Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

[6]  Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.

[7]  Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga'y sa Dagat na Mapula.

[8]  Gayon ma'y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan.

[9]  Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo'y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang.

[10]  At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway.

[11]  At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa.

[12]  Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan.

[13]  Nilimot nilang madali ang kaniyang mga gawa; hindi sila naghintay sa kaniyang payo:

[14]  Kundi nagnais ng di kawasa sa ilang, at tinukso ang Dios sa ilang.

[15]  At binigyan niya sila ng kanilang hiling; nguni't pinangayayat ang kanilang kaluluwa.

[16]  Kanilang pinanaghilian naman si Moises sa kampamento, at si Aaron na banal ng Panginoon.

[17]  Ang lupa ay bumuka, at nilamon si Dathan, at tinakpan ang pulutong ni Abiram.

[18]  At apoy ay nagningas sa kanilang pulutong; sinunog ng liyab ang mga masama,

[19]  Sila'y nagsigawa ng guya sa Horeb, at nagsisamba sa larawang binubo.

[20]  Ganito nila pinapagbago ang kanilang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo.

[21]  Nilimot nila ang Dios na kanilang tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Egipto;

[22]  Kagilagilalas na mga gawa sa lupain ng Cham, at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Mapula.

[23]  Kaya't sinabi niya, na kaniyang lilipulin sila, kung si Moises na kaniyang hirang ay hindi humarap sa kaniya sa bitak, upang pawiin ang kaniyang poot, upang huwag niyang lipulin sila.

[24]  Oo, kanilang hinamak ang maligayang lupain, hindi nila sinampalatayanan ang kaniyang salita;

[25]  Kundi nangagsiungol sa kanilang mga tolda, at hindi nangakinig sa tinig ng Panginoon.

[26]  Kaya't kaniyang isinumpa sa kanila, na kaniyang ibubulid sila sa ilang:

[27]  At kaniyang ibubulid ang kanilang binhi sa mga bansa, at pangalatin sila sa mga lupain.

[28]  Sila'y nangakilakip naman sa diosdiosang Baal-peor, at nagsikain ng mga hain sa mga patay.

[29]  Ganito minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga gawa; at ang salot ay lumitaw sa kanila.

[30]  Nang magkagayo'y tumayo si Phinees, at gumawa ng kahatulan: at sa gayo'y tumigil ang salot.

[31]  At nabilang sa kaniya na katuwiran, sa lahat ng sali't saling lahi magpakailan man.

[32]  Kanilang ginalit din siya sa tubig ng Meriba, na anopa't naging masama kay Moises dahil sa kanila:

[33]  Sapagka't sila'y mapanghimagsik laban sa kaniyang diwa, at siya'y nagsalita ng walang pakundangan ng kaniyang mga labi.

[34]  Hindi nila nilipol ang mga bayan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanila;

[35]  Kundi nangakihalo sa mga bansa, at nangatuto ng kanilang mga gawa:

[36]  At sila'y nangaglingkod sa kanilang mga diosdiosan; na naging silo sa kanila:

[37]  Oo, kanilang inihain ang kanilang mga anak na lalake at babae sa mga demonio,

[38]  At nagbubo ng walang salang dugo, sa makatuwid baga'y ng dugo ng kanilang mga anak na lalake at babae, na kanilang inihain sa diosdiosan ng Canaan; at ang lupain ay nadumhan ng dugo.

[39]  Ganito sila nagpakahawa sa kanilang mga gawa, at nagsiyaong nagpakarumi sa kanilang mga gawa.

[40]  Kaya't nagalab ang pagiinit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at kinayamutan niya ang kaniyang pamana.

[41]  At ibinigay niya sila sa kamay ng mga bansa; at silang nangagtatanim sa kanila ay nangagpuno sa kanila.

[42]  Pinighati naman sila ng kanilang mga kaaway, at sila'y nagsisuko sa kanilang kamay.

[43]  Madalas na iligtas niya sila; nguni't sila'y mapanghimagsik sa kanilang payo, at nangababa sila sa kanilang kasamaan.

[44]  Gayon ma'y nilingap niya ang kanilang kahirapan, nang kaniyang marinig ang kanilang daing:

[45]  At kaniyang inalaala sa kanila ang kaniyang tipan, at nagsisi ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.

[46]  Ginawa naman niyang sila'y kaawaan niyaong lahat na nangagdalang bihag sa kanila.

[47]  Iligtas mo kami, Oh Panginoon naming Dios, at pisanin mo kami na mula sa mga bansa, upang mangagpasalamat sa iyong banal na pangalan, at mangagtagumpay sa iyong kapurihan.

[48]  Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sabihin ng buong bayan, Siya nawa. Purihin ninyo ang Panginoon.