[1] Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa, at nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.
[2] Ang mangmang ay walang kaluguran sa paguunawa, kundi maihayag lamang ang kaniyang puso.
[3] Pagka ang masama ay dumarating, dumarating din naman ang paghamak, at kasama ng kutya ang pagkaduwahagi.
[4] Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig; ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.
[5] Igalang ang pagkatao ng masama ay hindi mabuti, ni iligaw man ang matuwid sa kahatulan.
[6] Ang mga labi ng mangmang ay nanasok sa pagkakaalit, at tinatawag ng kaniyang bibig ang mga hampas.
[7] Ang bibig ng mangmang ay kaniyang kapahamakan, at ang kaniyang mga labi ay silo ng kaniyang kaluluwa.
[8] Ang mga salita ng mga mapaghatid-dumapit ay parang mga masarap na subo, at nagsisibaba sa pinakaloob ng tiyan.
[9] Siya mang walang bahala sa kaniyang gawain ay kapatid siya ng maninira.
[10] Ang pangalan ng Panginoon ay matibay na moog: tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.
[11] Ang yaman ng mayamang tao ay ang kaniyang matibay na bayan, at gaya ng matayog na kuta sa kaniyang sariling isip,
[12] Bago ang pagkapahamak ay pagmamalaki ng puso ng tao, at bago ang karangalan ang pagpapakumbaba.
[13] Ang sumasagot bago makinig, ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.
[14] Aalalayan ng diwa ng tao ang kaniyang sakit; nguni't ang bagbag na diwa sinong nakapagdadala?
[15] Ang puso ng mabait ay nagtatamo ng kaalaman; at ang pakinig ng pantas ay humahanap ng kaalaman.
[16] Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kaniya, at dinadala siya sa harap ng mga dakilang tao.
[17] Ang nakikipaglaban ng kaniyang usap na una ay tila ganap; nguni't dumarating ang kaniyang kapuwa at sinisiyasat siya.
[18] Ang pagsasapalaran ay nagpapatigil ng mga pagtatalo, at naghihiwalay sa gitna ng mga makapangyarihan.
[19] Ang kapatid na nasaktan sa kalooban ay mahirap mabawi kay sa matibay na bayan: at ang gayong mga pagtatalo ay parang mga halang ng isang kastilyo.
[20] Ang tiyan ng tao ay mabubusog ng bunga ng kaniyang bibig; sa bunga ng kaniyang mga labi ay masisiyahan siya.
[21] Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila; at ang nagsisiibig sa kaniya ay magsisikain ng kaniyang bunga.
[22] Sinomang lalaking nakakasumpong ng asawa ay nakasumpong ng mabuting bagay, at nagtatamo ng lingap ng Panginoon.
[23] Ang dukha ay gumagamit ng mga pamanhik: nguni't ang mayaman ay sumasagot na may kagilasan.
[24] Ang nagpaparami ng mga kaibigan ay sa kaniyang sariling kapahamakan: nguni't may kaibigan na mahigit kay sa isang kapatid.