Proverbs - Chapter 16 Ch. 16 - Proverbs

compare translations

[1]  Ang mga paghahanda ng puso ay ukol sa tao: nguni't ang sagot ng dila ay mula sa Panginoon.

[2]  Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga diwa.

[3]  Iukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at ang iyong mga panukala ay matatatag.

[4]  Ginawa ng Panginoon ang bawa't bagay na ukol sa kaniyang sariling wakas: Oo, pati ng masama na ukol sa kaarawan ng kasamaan.

[5]  Bawa't palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan.

[6]  Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: at sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan.

[7]  Pagka ang mga lakad ng tao ay nakapagpapalugod sa Panginoon, kaniyang tinitiwasay sa kaniya pati ng kaniyang mga kaaway.

[8]  Maigi ang kaunti na may katuwiran kay sa malalaking pakinabang na walang kaganapan.

[9]  Ang puso ng tao ay kumakatha ng kaniyang lakad: nguni't ang Panginoon ang nagtutuwid ng kaniyang mga hakbang.

[10]  Banal na hatol ay nasa mga labi ng hari: at kaniyang bibig ay hindi sasalangsang sa kahatulan.

[11]  Ang ganap na timbangan at panimbang ay sa Panginoon: lahat ng timbang na supot ay kaniyang gawa.

[12]  Kasuklamsuklam sa mga hari na gumawa ng kasamaan: sapagka't ang luklukan ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.

[13]  Mga matuwid na labi ay kaluguran ng mga hari; at kanilang iniibig ang nagsasalita ng matuwid.

[14]  Ang poot ng hari ay gaya ng mga sugo ng kamatayan: nguni't papayapain ng pantas.

[15]  Nasa liwanag ng mukha ng hari ang buhay; at ang kaniyang lingap ay parang alapaap ng huling ulan.

[16]  Pagkaigi nga na magtamo ng karunungan kay sa ginto! Oo, magtamo ng kaunawaan ay maigi kay sa pumili ng pilak.

[17]  Ang maluwang na lansangan ng matuwid ay humiwalay sa kasamaan: siyang nagiingat ng kaniyang lakad ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa.

[18]  Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.

[19]  Maigi ang magkaroon ng mapagpakumbabang loob na kasama ng dukha, kay sa bumahagi ng samsam na kasama ng palalo.

[20]  Siyang nagiingat sa salita ay makakasumpong ng mabuti: at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.

[21]  Ang pantas sa puso ay tatawaging mabait: at ang katamisan sa mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan.

[22]  Ang kaunawaan ay bukal ng buhay sa nagtatamo: nguni't ang saway ng mga mangmang ay siyang kanilang kamangmangan.

[23]  Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig, at nagdaragdag ng katututuhan sa kaniyang mga labi.

[24]  Mga maligayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.

[25]  May daan na tila matuwid sa tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.

[26]  Ang gana ng pagkain ng manggagawang tao ay nakagagaling sa kaniya; sapagka't kinasasabikan ng kaniyang bibig.

[27]  Ang walang kabuluhang tao ay kumakatha ng kahirapan: at sa kaniyang mga labi ay may masilakbong apoy.

[28]  Ang magdarayang tao ay nagkakalat ng pagtatalo: at ang mapaghatid-dumapit ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.

[29]  Ang taong marahas ay dumadaya sa kaniyang kapuwa, at pinapatnubayan niya siya sa daang hindi mabuti.

[30]  Ikinikindat ang kaniyang mga mata, upang kumatha ng mga magdarayang bagay: siyang nangangagat labi ay nagpapangyari sa kasamaan.

[31]  Ang ulong may uban ay putong ng kaluwalhatian, masusumpungan sa daan ng katuwiran.

[32]  Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan; at siyang nagpupuno sa kaniyang diwa ay maigi kay sa sumasakop ng isang bayan.

[33]  Ginagawa ang pagsasapalaran sa kandungan; nguni't ang buong pasiya niyaon ay sa Panginoon.