[1] Mga kawikaan ni Salomon. Ang pantas na anak ay nakapagpapasaya sa ama: nguni't ang mangmang na anak ay pasan ng kaniyang ina.
[2] Mga kayamanan ng kasamaan ay hindi napapakinabangan: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
[3] Hindi titiisin ng Panginoon na magutom ang kaluluwa ng matuwid: nguni't kaniyang itinatakuwil ang nasa ng masama.
[4] Siya'y nagiging dukha na gumagawa ng kamay na walang kasipagan: nguni't yumayaman ang kamay ng masipag.
[5] Siyang nagtitipon sa taginit ay pantas na anak: nguni't siyang natutulog sa pagaani ay anak na kahiyahiya.
[6] Mga pagpapala ay nangasa ulo ng matuwid: nguni't tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama.
[7] Ang alaala sa ganap ay pinagpapala: nguni't ang pangalan ng masama ay mapaparam.
[8] Ang pantas sa puso ay tatanggap ng mga utos: nguni't ang madaldal na musmos ay mabubuwal.
[9] Siyang lumalakad ng matuwid ay lumalakad na tiwasay: nguni't siyang sumisira ng kaniyang mga lakad ay makikilala.
[10] Siyang kumikindat ng mata ay nagpapapanglaw: nguni't ang madaldal na musmos ay mabubuwal.
[11] Ang bibig ng matuwid, ay bukal ng kabuhayan: nguni't tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama.
[12] Ang pagtatanim ay humihila ng mga kaalitan: nguni't tinatakpan ng pagibig ang lahat ng pagsalangsang.
[13] Nasusumpungan sa mga labi ng mabait ang karunungan: nguni't ang pamalo ay sa likod ng walang unawa.
[14] Ang mga pantas ay nagiimbak ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mangmang ay kasalukuyang ikapapahamak.
[15] Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang matibay na bayan: ang kapahamakan ng dukha ay ang kanilang karalitaan.
[16] Ang gawa ng matuwid ay patungo sa buhay; ang bunga ng dukha ay sa pagkakasala.
[17] Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng saway: nguni't siyang nagpapabaya ng saway ay nagkakamali.
[18] Siyang nagkukubli ng mga pagtatanim ay sa mga magdarayang labi; at siyang nagpaparatang ay mangmang.
[19] Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalangsang: nguni't siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.
[20] Ang dila ng matuwid ay parang piling pilak: ang puso ng masama ay kaunti ang halaga.
[21] Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami: nguni't ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pagunawa.
[22] Ang pagpapala ng Panginoon, ay nagpapayaman, at hindi niya idinadagdag ang kapanglawan.
[23] Isang paglilibang sa mangmang ang paggawa ng kasamaan: at gayon ang karunungan sa taong naguunawa.
[24] Ang takot ng masama ay darating sa kaniya: at ang nasa ng matuwid ay ipagkakaloob.
[25] Pagka ang ipoipo ay dumadaan ay nawawala ang masama: nguni't ang matuwid ay walang hanggang patibayan.
[26] Kung paano ang suka sa mga ngipin, at kung paano ang usok sa mata, gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kaniya.
[27] Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapalaon ng mga kaarawan: nguni't ang mga taon ng masama ay mangangaunti.
[28] Ang pagasa ng matuwid ay magiging kasayahan: nguni't ang pagasa ng masama ay mawawala.
[29] Ang daan ng Panginoon ay katibayan sa matuwid; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan.
[30] Ang matuwid ay hindi makikilos kailan man: nguni't ang masama ay hindi tatahan sa lupain.
[31] Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan: nguni't ang magdarayang dila ay ihihiwalay.
[32] Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakalulugod: nguni't ang bibig ng masama ay nagsasalita ng karayaan.