Job - Chapter 9 Ch. 9 - Job

compare translations

[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

[2]  Sa katotohanan ay nalalaman kong ito'y gayon: nguni't paanong makapaggaganap ang tao sa Dios?

[3]  Kung kalugdan niyang makipagtalo sa kaniya, siya'y hindi makasasagot sa kaniya ng isa sa isang libo.

[4]  Siya ay pantas sa puso, at may kaya sa kalakasan: sinong nagmatigas laban sa kaniya at guminhawa?

[5]  Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nalalaman, pagka nililiglig niya sa kaniyang pagkagalit.

[6]  Na siyang umuuga ng lupa sa kaniyang kinaroroonan, at ang mga haligi nito ay nangayayanig.

[7]  Na siyang naguutos sa araw, at hindi sumisikat; at nagtatakda sa mga bituin.

[8]  Na nagiisang inuunat ang langit, at tumutungtong sa mga alon ng dagat.

[9]  Na lumikha sa Oso, sa Orion, at sa mga Pleyade, at sa mga silid ng timugan.

[10]  Na gumagawa ng mga dakilang bagay na di masayod; Oo, mga kamanghamanghang bagay na walang bilang.

[11]  Narito, siya'y dumaraan sa siping ko, at hindi ko siya nakikita: siya'y nagpapatuloy rin naman, nguni't hindi ko siya namamataan.

[12]  Narito, siya'y nangangagaw sinong makasasansala sa kaniya? Sinong magsasabi sa kaniya: Anong ginagawa mo?

[13]  Hindi iuurong ng Dios ang kaniyang galit; ang mga manunulong sa Rahab ay nagsisiyukod sa ilalim niya.

[14]  Gaano pa nga kaya kaliit ang maisasagot ko sa kaniya, at mapipiling aking mga salita na maimamatuwid ko sa kaniya?

[15]  Na kahiman ako'y matuwid, gayon may hindi ako sasagot sa kaniya; ako'y mamamanhik sa aking hukom.

[16]  Kung ako'y tumawag, at siya'y sumagot sa akin; gayon ma'y hindi ako maniniwala na kaniyang dininig ang aking tinig.

[17]  Sapagka't ako'y ginigiba niya sa pamamagitan ng isang bagyo, at pinararami ang aking mga sugat ng walang kadahilanan.

[18]  Hindi niya ako tutulutang ako'y huminga, nguni't nililipos niya ako ng hirap.

[19]  Kung kami ay magsalita tungkol sa kalakasan, narito, siya'y may kapangyarihan! At kung sa kahatulan, sino, sinasabi niya ay magtatakda sa akin ng panahon?

[20]  Kahiman ako'y matuwid, ang aking sariling bibig ay hahatol sa akin: kahiman ako'y sakdal patototohanan niya akong masama.

[21]  Ako'y sakdal; hindi ko talos ang aking sarili; aking niwalang kabuluhan ang aking buhay.

[22]  Lahat ay isa; kaya't aking sinasabi: kaniyang ginigiba ang sakdal at ang masama.

[23]  Kung ang panghampas ay pumapatay na bigla, tatawanan niya ang paglilitis sa mga walang sala.

[24]  Ang lupa ay nabigay sa kamay ng masama: kaniyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito; kung hindi siya, sino nga?

[25]  Ngayo'y ang mga kaarawan ko ay matulin kay sa isang sugo: dumadaang matulin, walang nakikitang mabuti.

[26]  Sila'y nagsisidaang parang mga matuling sasakyan: parang agila na dumadagit ng huli.

[27]  Kung aking sabihin: Aking kalilimutan ang aking daing, aking papawiin ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako:

[28]  Ako'y natatakot sa lahat kong kapanglawan, talastas ko na hindi mo aariin akong walang sala.

[29]  Ako'y mahahatulan; bakit nga ako gagawa ng walang kabuluhan?

[30]  Kung ako'y maligo ng nieveng tubig, at gawin ko ang aking mga kamay na napakalinis;

[31]  Gayon ma'y itutulak mo ako sa hukay, at kayayamutan ako ng aking mga sariling kasuutan.

[32]  Sapagka't siya'y hindi tao, na gaya ko, na sasagot ako sa kaniya, na tayo'y pumasok kapuwa sa kahatulan,

[33]  Walang hukom sa pagitan natin, na makapaglagay ng kaniyang kamay sa ating dalawa.

[34]  Ihiwalay niya sa akin ang kaniyang tungkod, at huwag akong takutin ng kaniyang pangilabot:

[35]  Kung magkagayo'y magsasalita ako, at hindi matatakot sa kaniya; sapagka't hindi gayon ako sa aking sarili.