Job - Chapter 41 Ch. 41 - Job

compare translations

[1]  Mahuhuli mo ba ang buwaya ng isang bingwit? O mailalabas mo ba ang kaniyang dila ng isang panali?

[2]  Makapaglalagay ka ba ng tali sa kaniyang ilong? O makabubutas sa kaniyang panga ng isang taga ng bingwit?

[3]  Mamamanhik ba siya ng marami sa iyo? O magsasalita ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?

[4]  Makikipagtipan ba siya sa iyo, upang ariin mo siyang alipin magpakailan man?

[5]  Makikipaglaro ka ba sa kaniya na gaya sa isang ibon? O iyong tatalian ba siya para sa iyong mga dalaga?

[6]  Makakalakal ba siya ng mga pulutong ng mangingisda? Mababahagi ba siya nila sa mga mangangalakal?

[7]  Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal, o ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda?

[8]  Ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya; alalahanin mo ang pagbabaka at huwag mo nang gawin.

[9]  Narito, ang pagasa riyan ay walang kabuluhan: hindi ba malulugmok ang sinoman makita lamang yaon?

[10]  Walang malakas na makapangahas kumilos niyaon: sino ngang makatatayo sa harap ko?

[11]  Sinong naunang nagbigay sa akin upang aking bayaran siya? Anomang nasa silong ng buong langit ay akin.

[12]  Hindi ako tatahimik tungkol sa kaniyang mga sangkap ng katawan, ni sa kaniya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kaniya mang mainam na hugis.

[13]  Sinong makapaglilitaw na karayagan ng kaniyang mga damit? Sinong makalalapit sa kaniyang magkasaping pangil?

[14]  Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha? Sa palibot ng kaniyang ngipin ay kakilabutan.

[15]  Ang kaniyang mga matibay na palikpik ay kaniyang kapalaluan, nangagkakadikit na maigi na gaya sa isang tatak na mahigpit.

[16]  Nagkakadikit sa isa't isa, na ang hangin ay hindi makaraan sa pagitan sa mga yaon.

[17]  Sila'y nagkakasugpongan sa isa't isa; Nagkakalakip na magkasama, na hindi maihihiwalay.

[18]  Ang kanilang mga bahin ay kumikislap ng apoy, at ang kanilang mga mata ay gaya ng mga bukang liwayway kung umaga.

[19]  Mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang nagliliyab na sulo, at mga alipatong apoy ay nagsisilabas.

[20]  Mula sa kaniyang mga butas ng ilong ay lumalabas ang usok, na gaya ng isang kumukulong talyasi at nagniningas na mga talahib.

[21]  Ang kaniyang hinga ay nagpapaningas ng mga baga, at isang alab ay lumalabas sa kaniyang bibig.

[22]  Sa kaniyang leeg ay tumitira ang kalakasan, at ang kakilabutan ay sumasayaw sa harap niya.

[23]  Ang mga kaliskis ng kaniyang laman ay nangagkakadikitan; nangagtutumibay sa kaniya; hindi magagalaw.

[24]  Ang kaniyang puso ay matatag na gaya ng isang bato; Oo, matatag na gaya ng batong pangibaba ng gilingan.

[25]  Pagka siya'y tumitindig ay natatakot ang makapangyarihan: dahil sa pagkagulat ay nangalilito sila.

[26]  Kung siya'y tagain ninoman ng tabak ay hindi tumatalab; ni ng sibat man, ng pana, ni ng matalas na tulis man.

[27]  Kaniyang ipinalalagay ang bakal na parang dayami, at ang tanso na parang lapok na kahoy.

[28]  Hindi niya mapatakas ng palaso: ang mga batong panghilagpos ay nagiging sa kaniya'y parang pinagputulan ng trigo.

[29]  Ang mga panakbat ay nangapapalagay na parang pinagputulan ng trigo: kaniyang tinatawanan ang galaw ng sibat.

[30]  Ang kaniyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng mga matulis na bibinga: lumalaganap na tila saksak sa banlik.

[31]  Kaniyang pinagpapakuluan ang kalaliman na parang palyok: kaniyang ginagawa ang dagat na parang pamahid.

[32]  Kaniyang pinasisilang ang landas sa likuran niya; aakalain ng sinoman na mauban ang kalaliman.

[33]  Sa ibabaw ng lupa ay walang gaya niya, na likhang walang takot.

[34]  Kaniyang minamasdan ang bawa't mataas na bagay: siya'y hari sa lahat ng mga anak na palalo.