[1] Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan.
[2] At si Job ay sumagot, at nagsabi,
[3] Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.
[4] Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag.
[5] Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw.
[6] Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan.
[7] Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig.
[8] Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya.
[9] Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga:
[10] Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata.
[11] Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina?
[12] Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin?
[13] Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako:
[14] Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila;
[15] O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak:
[16] O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag.
[17] Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod.
[18] Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag.
[19] Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon.
[20] Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan;
[21] Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago;
[22] Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan?
[23] Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios?
[24] Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig.
[25] Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin.
[26] Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating.