[1] Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
[2] Ako'y nakarinig ng maraming ganyang bagay: maralitang mga mangaaliw kayong lahat.
[3] Magkakawakas ba ang mga walang kabuluhang salita? O anong naguudyok sa iyo, na ikaw ay sumagot?
[4] Ako nama'y makapangungusap na gaya ng inyong ginagawa; kung ang inyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa, ako'y makapagdudugtongdugtong ng salita laban sa inyo, at maigagalaw ang aking ulo sa inyo.
[5] Nguni't aking palalakasin kayo ng aking bibig, at ang pagaliw ng aking mga labi ay magpapalikat ng inyong hirap,
[6] Bagaman ako'y nagsasalita, ang aking hirap ay hindi naglilikat: at bagaman ako'y tumatahimik, anong ikinalalayo sa akin?
[7] Nguni't ngayo'y niyamot niya ako: nilansag mo ang aking buong pulutong.
[8] At ako'y pinagdalamhati mo, na siyang saksi laban sa akin; at ang aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin, nagpapatotoo sa aking mukha.
[9] Niluray niya ako sa kaniyang kapootan, at inusig ako; pinagngangalitan niya ako ng kaniyang mga ngipin: pinangdidilatan ako ng mga mata ng aking kaaway.
[10] Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig: kanilang sinampal ako sa mukha na kahiyahiya: sila'y nagpipisan laban sa akin.
[11] Ibinibigay ako ng Dios sa di banal, at inihahagis niya ako sa mga kamay ng masama.
[12] Ako'y nasa kaginhawahan at kaniyang niligalig akong mainam; Oo, sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagwaraywaray niya ako: inilagay naman niya akong pinakatanda niya.
[13] Kinubkob ako sa palibot ng kaniyang mga mamamana, kaniyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpapatawad; kaniyang ibinubuhos ang aking apdo sa lupa.
[14] Kaniyang binubugbog ako ng bugbog at bugbog; siya'y gaya ng isang higanti na dinadaluhong niya ako.
[15] Ako'y nanahi ng kayong magaspang sa aking katawan, at aking inilugmok ang aking kapalaluan sa alabok.
[16] Ang aking mukha ay namamaga sa pagiyak, at nasa aking mga pilik-mata ang anino ng kamatayan;
[17] Bagaman walang karahasan sa aking mga kamay, at ang aking dalangin ay malinis,
[18] Oh lupa, huwag mong tabunan ang aking dugo, at huwag magkaroon ng pahingahang dako ang aking daing.
[19] Kahit na ngayon, narito, ang aking saksi ay nasa langit, at siyang nananagot sa akin ay nasa kaitaasan.
[20] Ginagalit ako ng aking mga kaibigan: nguni't ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Dios;
[21] Upang kaniyang alalayan ang katuwiran ng tao sa Dios; at ang anak ng tao sa kaniyang kapuwa.
[22] Sapagka't pagsapit ng ilang taon, ako'y papanaw sa daan na hindi ko pagbabalikan.