[1] Inyong dinggin ang salita na sinasalita ng Panginoon sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
[2] Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong matuto ng lakad ng mga bansa, at huwag kayong manganglupaypay sa mga tanda ng langit; sapagka't ang mga bansa ay nanganglulupaypay sa mga yaon.
[3] Sapagka't ang mga kaugalian ng mga bayan ay walang kabuluhan: sapagka't may pumuputol ng punong kahoy sa gubat, na siyang gawa ng mga kamay ng manggagawa sa pamamagitan ng palakol.
[4] Kanilang ginagayakan ng pilak at ng ginto; kanilang ikinakapit ng mga pako at ng mga pamukpok, upang huwag makilos.
[5] Sila'y gaya ng puno ng palma, na binilog, at hindi nagsasalita: kinakailangang pasanin, sapagka't hindi makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga yaon, sapagka't hindi makagagawa ng kasamaan, ni wala ring magagawang mabuti.
[6] Walang gaya mo, Oh Panginoon; ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
[7] Sinong hindi matatakot sa iyo, Oh Hari ng mga bansa? sapagka't sa iyo nauukol; palibhasa'y sa gitna ng lahat ng pantas sa mga bansa, at sa lahat nilang kaharian, ay walang gaya mo.
[8] Kundi sila'y pawang tampalasan at hangal turo ng mga dios-diosan, yao'y kahoy lamang.
[9] May pilak na pinukpok na dinala rito mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz, na gawa ng manggagawa at ng mga kamay ng panday; azul at kulay ube ang kanilang damit; gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
[10] Nguni't ang Panginoon ay tunay na Dios; siya ang buhay na Dios, at walang hanggang Hari: sa kaniyang poot ay nayayanig ang lupa, at hindi matatagalan ng mga bansa ang kaniyang galit.
[11] Ganito ang inyong sasabihin sa kanila, Ang mga dios na hindi gumawa ng langit at ng lupa, ang mga ito ang mangalilipol sa lupa, at sa silong ng langit.
[12] Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at kaniyang iniladlad ang langit sa pamamagitan ng kaniyang pagkaunawa:
[13] Pagka siya'y naguutos, may hugong ng tubig sa langit, at kaniyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa; siya'y nagpapakidlat para sa ulan, at naglalabas ng hangin mula sa mga kinalalagyan.
[14] Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ay nalagay sa kahihiyan sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kabulaanan, at hindi humihinga ang mga yaon.
[15] Sila'y walang kabuluhan, gawang karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon sila ay mangalilipol.
[16] Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang may kapal sa lahat ng mga bagay; at ang Israel ay siyang lipi na kaniyang mana ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.
[17] Iyong pulutin ang iyong mga kalakal mula sa lupain, Oh ikaw na nakukubkob.
[18] Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibubulid ang mga mananahan sa lupain sa panahong ito, at aking pahihirapan sila upang sila'y makaramdam.
[19] Sa aba ko, dahil sa aking sugat! ang aking sugat ay malubha: nguni't aking sinabi, Tunay na ito ay aking hirap, at aking marapat na tiisin.
[20] Ang aking tolda ay nagiba, at lahat ng panali ko ay nangapatid; iniwan ako ng aking mga anak, at sila'y wala na: wala nang magtayo pa ng aking tolda, at magtaas ng aking mga tabing.
[21] Sapagka't ang mga pastor ay naging tampalasan, at hindi nagsisangguni sa Panginoon: kaya't hindi sila magsisiginhawa, at lahat nilang kawan ay nangalat.
[22] Ang tinig ng mga balita, narito, dumarating, at malaking kagulo mula sa lupaing hilagaan, upang gawing kagibaan ang mga bayan ng Juda, at tahanan ng mga chakal.
[23] Oh Panginoon, talastas ko na ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili; hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.
[24] Oh Panginoon, sawayin mo ako, nguni't sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.
[25] Iyong ibuhos ang iyong kapusukan sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga angkan na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan; sapagka't kanilang sinakmal ang Jacob, oo, kanilang sinakmal siya, at nilipol siya, at sinira ang kaniyang tahanan.